Naglabas ng kautusan ang Senate Impeachment Court para ipatawag sa pamamagitan ng subpoena ang dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) upang tumestigo sa pagdinig kaugnay ng Article IV ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Inaprubahan ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng prosekusyon na ipatawag sina NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc at Senior Agent John Mark Calilung bilang mga testigo sa paglilitis.

Ayon kay House Prosecution Spokesperson Robert Ace Barbers, mahalaga ang testimonya ng dalawang opisyal upang mapatunayan ang mga alegasyong nakapaloob sa Article IV ng Articles of Impeachment, gayundin upang kilalanin at mapatotohanan ang iba pang ebidensyang ihaharap sa impeachment court.

Bago aprubahan ang mosyon, binigyan muna ni Escudero ng pagkakataon ang kampo ng depensa na ihain ang kanilang pagtutol.

Advertisement

Sa kabila nito, pinaboran ng impeachment court ang kahilingan ng prosekusyon at iniutos ang pagpapalabas ng subpoena ad testificandum at subpoena duces tecum laban sa dalawang opisyal ng NBI.

Batay sa kautusan ng korte, inaasahang haharap sina Lotoc at Calilung bilang mga testigo sa pagsisimula ng presentasyon ng prosekusyon ng ebidensya kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint.

Advertisement