Ibinaba ng mga economic manager ng pamahalaan ang target sa pangongolekta ng buwis ngayong taon sa ₱4.44 trilyon, kasama ang pag-aayos sa mga target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Itinakda ng administrasyong Marcos ang bagong target sa koleksiyon ng buwis sa ₱4.44 trilyon ngayong taon, mula sa naunang ₱4.5 trilyon, matapos ang isinagawang rebisyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa ika-193 nitong pagpupulong.
Ang target ng BIR ay ibinaba sa ₱3.39 trilyon, mula sa dating ₱3.43 trilyon.
Samantala, itinaas naman ang target ng BOC sa ₱1.011 trilyon, mula sa naunang ₱1.003 trilyon.
Batay sa pinakahuling datos ng Bureau of the Treasury, nakalikom ang BIR ng ₱1.42 trilyon hanggang katapusan ng Mayo, habang umabot naman sa ₱405.68 bilyon ang nakolekta ng BOC.
Kasabay nito, itinaas din ng DBCC ang target sa mga non-tax revenue o mga kita ng gobyerno na hindi nagmumula sa buwis, sa ₱365.1 bilyon ngayong taon mula sa dating ₱349.9 bilyon.
Sa kabuuan, inaasahang aabot sa ₱4.81 trilyon ang kabuuang kita ng pamahalaan ngayong taon, ₱5.21 trilyon sa 2027, at ₱6.52 trilyon pagsapit ng 2030.
Ayon sa mga economic manager, isinagawa ang pag-update sa mga medium-term macroeconomic assumptions, growth targets, at fiscal program upang matiyak na nananatiling angkop ang estratehiya ng pamahalaan sa nagbabagong kalagayan ng pandaigdigan at lokal na ekonomiya.
Samantala, dahil isinailalim ang Pilipinas sa isang energy emergency, nagpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin sa mga kabahayan. Kabilang dito ang tatlong buwang suspensiyon ng excise tax sa ilang produktong petrolyo upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, tinatayang ₱2.5 bilyon ang hindi nakolektang kita ng pamahalaan dahil sa tatlong buwang suspensiyon ng excise tax sa kerosene at liquefied petroleum gas (LPG).
Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na ang karaniwang presyo ng Dubai crude ay umabot sa $79.45 kada bariles mula Hunyo 1 hanggang 30, batay sa Mean of Platts Singapore benchmark. Dahil mas mababa ito sa itinakdang $80 kada bariles sa ilalim ng Executive Order No. 114, inalis na ang suspensiyon ng excise tax.
Dagdag pa ni Go, maaaring muling irekomenda ng DBCC ang pagsuspinde ng excise tax kung muling lalampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude.








