Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang South China Sea ay hindi dapat maging sentro ng sigalot ng mga bansa, kundi manatiling isang dagat ng kapayapaan, kooperasyon, at kabuhayan. Ito ang kanyang pahayag kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng tagumpay ng Pilipinas sa South China Sea Arbitral Award.
Ayon sa pangulo, ang nasabing arbitral ruling ay hindi lamang tagumpay ng Pilipinas sa ilalim ng internasyonal na batas, kundi tagumpay rin ng mga mangingisdang Pilipino at ng mga pamayanang umaasa sa karagatan bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
Iginiit din ni Pangulong Marcos na ang mga alitan sa pagitan ng mga bansa ay dapat maresolba sa mapayapang paraan at alinsunod sa international law, sa halip na sa pamamagitan ng pananakot o paggamit ng puwersa.
Tiniyak din ng pangulo na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtupad sa mga prinsipyo ng United Nations Charter at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), habang patuloy na ipinaglalaban ang mga karapatan at pambansang interes ng bansa.
Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa mga bansang patuloy na sumusuporta sa Pilipinas sa pagtataguyod ng isang pandaigdigang kaayusang nakabatay sa batas.
Pinangunahan ng pangulo ang isang diplomatic reception sa Pasay City bilang bahagi ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award. Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga miyembro ng diplomatic community, kabilang sina US Ambassador Lee Lipton, Japanese Ambassador Endo Kazuya, at Senate President Sherwin Gatchalian.








