Ipinagtanggol ng House prosecution team ang maaga nilang paghahain ng kahilingan para sa subpoena sa tax returns at bank records ni Vice President Sara Duterte, iginiit na layunin nitong maiwasan ang posibleng pagkaantala sa paglilitis sa impeachment court.
Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Jay Tolosa, gagamitin ang mga dokumentong ito bilang bahagi ng ebidensya para sa Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth ni Duterte.
Sinabi ni Tolosa na ang naturang isyu ay kabilang sa mga huling tatalakayin sa paglilitis kaya nais ng prosekusyon na maisumite nang mas maaga ang kahilingan upang maging tuloy-tuloy ang kanilang presentasyon ng ebidensya.
Dagdag pa niya, inaasahan na nilang tututulan ng panig ng depensa ang subpoena request, dahilan upang nauna na nilang inihain ang mosyon.
Samantala, sinabi ni Rep. Zia Adiong na mahalagang mabigyan ng sapat na panahon ang mga senador na magsisilbing mga hukom upang masuri ang mga dokumento, lalo na’t inaasahang marami at teknikal ang mga ito.
Kabilang umano sa mga dokumentong nais iharap ng prosekusyon ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), mga bank records, at testimonya ng mga saksi.
Patuloy na inaabangan ang magiging desisyon ng impeachment court sa kahilingan ng House prosecution para sa pagpapalabas ng subpoena.














