Nagpapagaling na sa Bicol Medical Center ang isang pulis ng San Jose Municipal Police Station matapos maputulan ng kamay nang tagain ng isang lalaki sa Barangay Calalahan, San Jose, Camarines Sur, nitong Agosto 22, 2023.

Kinilala ang biktima na si PSSG Noli Miraña, 42 anyos, residente ng Goa, Camarines Sur. Samantala, ang suspek na si alyas “Willy,” 32 anyos, residente ng San Jose, ay sinasabing may problema sa pag-iisip.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay San Jose Mayor Jerold B. Peña,, bigla umanong sinugod at tinaga ng suspek si Miraña habang tinatangka nitong kausapin at pakalmahin ang lalaki. Bukod sa naputol na kamay, nagtamo rin ng sugat sa mukha ang pulis.

Agad namang rumesponde ang mga kapwa pulis at binaril ang suspek sa magkabilang binti.

Advertisement

Desidido si Mayor Peña na sampahan ng kaso ang suspek, habang doktor ang magpapasiya kung mayroon itong mental disorder. Nanawagan din ang alkalde sa publiko na maging responsable at mahinahon sa mga komento tungkol sa insidente, lalo na sa social media.

Advertisement