Nakapagtala ang ekonomiya ng Pilipinas ng 2.1 porsyentong mabagal na paglago sa Gross Domestic Product (GDP) nitong ikatlong kuwarter ng 2026, bunga ng paghina ng sektor ng agrikultura at industriya sa kabila ng patuloy na pag-usad ng sektor ng serbisyo.
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, ang naitalang 2.1 porsyentong paglago mula Hulyo hanggang Setyembre ang pinakamababa mula noong unang kuwarter ng 2021, kasagsagan ng pandemya. Kung hindi isasama ang epekto ng COVID-19, ito na rin ang pinakamahinang economic growth ng bansa mula noong huling kuwarter ng 2009.
Dahil dito, sinabi ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na posibleng hindi na maabot ng bansa ang binagong growth target na 3.5 hanggang 4.5 porsyento para sa taong ito.
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, kinakailangang makapagtala ng 6.3 porsyentong paglago ang ekonomiya sa ikaapat na kuwarter upang maabot kahit ang pinakamababang antas ng itinakdang target.
Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang sektor ng serbisyo ang nagsilbing pangunahing suporta ng ekonomiya matapos lumago ng 3.7 porsyento. Samantala, nakaranas ng 4.8 porsyentong pagbaba ang agrikultura, habang halos hindi gumalaw ang sektor ng industriya na nagtala ng 0.003 porsyentong paghina. Kabilang din sa mga nakaapekto rito ang patuloy na pag-urong ng public construction sa loob ng anim na magkakasunod na kuwarter.
Ilan sa mga itinuturong salik sa paghina ng ekonomiya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan. Dagdag pa rito ang epekto ng mga nagdaang kalamidad at mga kontrobersiya sa paggasta ng pamahalaan na umano’y nagpahina sa kumpiyansa ng mga negosyante at mamimili sa bansa.














