Tiniyak ng Department of Energy (DOE) ang panatag na suplay ng kuryente sa bansa para sa paghohost ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa loob ng tatlong araw mula Nobyembre 16 hanggang 18.
Inaasahang darating sa bansa ang mga lider ng mga kasaping bansa para personal na dumalo sa naturang malakihang pagtitipon. Kasabay nito, mahigpit ding binabantayan ng ahensya ang bawat galaw ng sistema ng kuryente upang walang maging aberya sa mga venue.
Bilang bahagi ng mahigpit na paghahanda, inilagay na ng ahensya ang buong sektor ng enerhiya sa ilalim ng enhanced operational readiness.
Layunin nitong matiyak ang mas mabilis na pagtugon sa anumang hindi inaasahang sitwasyon sa suplay ng kuryente sa mga kritikal na araw ng kaganapan.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, pinalakas pa nila ang sistema ng pagbantay sa grid at pinaigting ang koordinasyon kasama ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) pati na rin ang iba pang distribution utility.
Bahagi ng hakbang na ito ang tuluy-tuloy na pagpapanatili at pagkumpuni sa mga pasilidad ng kuryente bago pa man magsimula ang summit.
Mahigpit ding ipinatutupad ang patakaran na suspindihin muna ang mga nakatakdang pagkumpuni na magdudulot ng power interruption habang nagaganap ang pagtitipon.
Tiniyak ng pamunuan na nakalatag na ang mga kinakailangang operational plans ng bawat kaukulang tanggapan at kumpanya ng kuryente.
Nagtutulungan aniya ang lahat ng kinauukulan upang masigurong magiging matagumpay at ligtas ang paghohost ng bansa sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN Summit).














