Arestado na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may-ari ng Brentwood International School sa Naga City na si Carmelo Carcido, kaugnay ng kinahaharap nitong mga kasong large-scale illegal recruitment at estafa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay NBI Camarines Norte District Office Agent-in-Charge Robert Joey Ajero, sinabi nito na nagsimula ang imbestigasyon noong 2023 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa United States Embassy hinggil sa umano’y pagpapadala ng mga indibidwal sa Amerika gamit ang mga pekeng dokumento.
Sinabi ni Ajero na natuklasan sa imbestigasyon na may mga indibidwal na inalok umano ng trabaho sa Estados Unidos kapalit ng malaking halaga ng pera.
Ayon pa sa opisyal, umaabot sa halos ₱500,000 ang sinisingil sa ilang aplikante, habang ang iba naman ay nagbayad ng mahigit ₱180,000. Kabilang umano sa mga sinisingil ang processing fee, visa-related expenses at paghahanda para sa panayam sa embahada.
Ipinaliwanag ni Ajero na tinuturuan umano ang mga aplikante kung paano sasagot sa embassy interview sa pamamagitan ng mock interview. Gayunman, pawang hindi tunay ang mga dokumentong ipinagkakaloob sa kanila, ayon sa mga reklamong natanggap ng NBI.
Isa sa mga naging biktima ang nagbayad umano ng ₱181,980 ngunit hindi natuloy sa inaasahang trabaho sa Amerika matapos siyang harangin ng US immigration authorities at pabalikin sa Pilipinas dahil sa mga iregularidad sa kanyang dokumento at layunin ng paglalakbay.
Dagdag pa ni Ajero, umabot na sa mahigit sampung indibidwal ang naghain ng reklamo laban sa mga sangkot. Dahil dito, nagsampa ang NBI ng kasong large-scale illegal recruitment at estafa.
Tatlong warrant of arrest ang inilabas ng korte laban sa mga respondent na sina Carmelo Carcido, Sebastiao Carcido at Linda Marchand-Pillar. Nauna nang naaresto ang isa sa mga respondent bago tuluyang nadakip si Carcido matapos ang halos tatlong taong paghahanap at pagmamanman ng mga awtoridad.
Ayon kay Ajero, namataan at naaresto si Carcido sa Camarines Sur matapos umano itong magpalipat-lipat ng lugar, kabilang ang Cavite at mga lalawigan sa Bicol Region.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Carcido habang nagpapatuloy ang proseso ng paglilitis sa kinahaharap nitong kaso.
Samantala, nilinaw ng opisyal na may ilang kursong iniaalok ang Brentwood International School na hindi awtorisado ng Commission on Higher Education (CHED). Pinayuhan naman ang mga dating mag-aaral na direktang makipag-ugnayan sa CHED upang malaman ang estado at pagkilala sa kanilang mga natapos na kurso.
Hinikayat din ng NBI ang iba pang posibleng nabiktima ng naturang paaralan na lumapit sa kanilang tanggapan upang makapaghain ng reklamo at makatulong sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Nagbabala naman si Ajero sa publiko, partikular sa mga magulang at indibidwal na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, na tiyaking lehitimo at awtorisado ang mga institusyon at ahensiyang kanilang pinagkakatiwalaan upang hindi mabiktima ng ilegal na pangangalap ng aplikante at panloloko.








