Ipinataw ng Land Transportation Office (LTO) ang 90-araw na preventive suspension sa driver’s license ng BINI member na si Mikha Lim matapos umanong mahuling gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho sa isang live video.

Sa naturang video, makikitang nire-record ni Lim ang kanyang sarili habang nasa likod ng manibela bago aksidenteng mahulog ang kanyang cellphone.

Makikita rin sa footage ang pagyuko at pag-abot niya sa ibabang bahagi upang pulutin ang nahulog na device, bago ito hawakan gamit ang dalawang kamay habang patuloy na umaandar ang sasakyan.

Dahil sa insidente, naglabas din ang LTO ng Show Cause Order laban sa P-pop artist kaugnay ng posibleng paglabag sa Anti-Distracted Driving Act at iba pang umiiral na regulasyon sa trapiko.

Advertisement

Inatasan si Lim na personal na humarap sa tanggapan ng ahensya sa Nobyembre 20 upang magbigay ng pormal na paliwanag hinggil sa insidente.

Samantala, iginiit ng LTO na walang pinipili ang pagpapatupad ng batas trapiko at lahat ay inaasahang susunod dito, anuman ang kanilang kasikatan o estado sa buhay.

Ayon kay LTO Chief Assistant Markus Lacanilao, ipapataw ang nararapat na parusa sa sinumang mapatutunayang lumabag sa mga batas pangkaligtasan sa kalsada.

Advertisement