Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tig-P10,000 pinansyal na tulong sa 54 na vendor at iba pang indibidwal sa Pasay City na pansamantalang mawawalan ng pagkakakitaan dahil sa pagsasara ng kanilang mga puwesto kaugnay ng paghahanda para sa 2026 ASEAN Summit.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong nitong Miyerkules, Nobyembre 11, sa Andres Bonifacio Elementary School.
Bukod sa cash assistance, nagkaloob din ang ahensya ng Family Food Packs (FFPs) upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang maaapektuhan ng pansamantalang paghinto ng kanilang negosyo.
Ayon sa DSWD, magpapatuloy ang distribusyon ng pinansyal na ayuda sa Nobyembre 12 at 13 upang maabot ang iba pang mga vendor at indibidwal na mawawalan muna ng kita dahil sa pagsasara ng kanilang mga tindahan at puwesto.
Layunin ng naturang tulong na maibsan ang epekto sa kabuhayan ng mga apektadong mamamayan habang isinasagawa ang mga paghahanda para sa ASEAN Summit.














