Posibleng humarap sa kasong legal ang mga indibidwal at online platforms na pinaniniwalaang nagpapakalat ng mga pekeng balita tungkol sa aktres na si Kim Chiu.
Sa kaniyang social media post, inihayag ni Kim na kasalukuyang sinusuri ng kaniyang legal team ang mga maaaring ikasampang kaso laban sa mga sangkot sa pagpapakalat ng fake news.
Ayon sa aktres, ilan sa mga kumakalat na content ay lumalampas na sa hangganan at nakikialam na sa kaniyang personal na buhay.
Nanawagan din siya sa publiko na maging maingat at responsable sa paggamit ng social media. Aniya, hindi lahat ng personal na karanasan at problemang pinagdaraanan ng isang tao ay kailangang ilantad sa publiko.
Ipinahayag din ni Kim ang kaniyang pagkadismaya sa ilang online influencers na ginagamit ang kaniyang pangalan upang makakuha ng views at kumita sa kanilang mga content.
Matatandaang naging kontrobersyal din ang aktres nitong mga nakaraang buwan matapos niyang magsampa ng reklamo laban sa sarili niyang kapatid dahil umano sa pagwaldas ng pondo ng kaniyang kumpanya.














