Kinumpirma ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maaga nang makakasama ni Kai Sotto ang national team sa kanilang paghahanda para sa fifth window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers.

Ayon kay Cone, kasama nilang bibiyahe si Sotto patungong Seremban, Malaysia sa darating na Nobyembre 21 upang simulan ang paghahanda para sa mga susunod na laban.

Natuldukan na rin ang pangamba ng ilang tagahanga tungkol sa posibilidad na hindi makapaglaro si Sotto dahil sa kanyang injury matapos isama ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pangalan nito sa 12-man roster ng Gilas Pilipinas.

Dagdag ni Cone, nakapaglaro na si Sotto sa kanyang huling laban sa Japan League at nagpahayag din ito ng kagustuhang muling makasama ang national team.

Advertisement

Naging mahalagang bahagi si Sotto ng kampanya ng Gilas sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers, kung saan naitala ng koponan ang mga panalo kontra Iran at Jordan.

Sa fifth window, nakatakdang makaharap ng Gilas Pilipinas ang Syria at Iran.

Advertisement