Umabot na sa ₱9.99 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa matinding El Niño, na nakaapekto sa mahigit 324,000 magsasaka sa 16 na rehiyon sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), nasa 323,419 ektarya ng lupang sakahan ang naapektuhan. Pinakamalaki ang pinsala sa mais na umabot sa ₱5.63 bilyon at palay na may ₱3.65 bilyon.
Inaasahang bababa sa 18.6 milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay ngayong 2026, habang posibleng mabawasan din ng 500,000 metriko tonelada ang produksyon ng mais.
Bukod sa tagtuyot, nakaaapekto rin sa agrikultura ang mataas na presyo ng pataba at gasolina, pagbaha dulot ng Habagat, at pabago-bagong presyo ng mga produktong sakahan.
Samantala, umabot na sa ₱18.64 bilyon ang tulong ng DA para sa mga magsasaka, kabilang ang binhi, pataba at pinansyal na ayuda. Tiniyak naman ng ahensya na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng epekto ng El Niño.












