Hinimok ng Philippine Ports Authority (PPA) ang publiko na samantalahin ang mas mahabang holiday break bunsod ng ASEAN Summit upang mamasyal at tuklasin ang mga magagandang pasyalan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inaasahan ng ahensya ang pagdami ng mga pasaherong bibiyahe sa mga pantalan dahil sa pinalawig na bakasyon na magtatagal hanggang Nobyembre 18. Dahil dito, nakahanda na ang mga tauhan ng PPA upang matiyak ang maayos na operasyon sa mga pantalan.

Bilang gabay sa mga biyahero, inilabas din ng ahensya ang mga pamasahe sa ilang pangunahing ruta. Kabilang dito ang P600 para sa biyahe mula Lucena patungong Balanacan at P1,320 naman para sa mga rutang Lucena-Sibuyan at Lucena-Masbate.

Samantala, nasa P1,600 ang pamasahe mula Davao patungong General Santos at Zamboanga, habang umaabot naman sa P2,900 ang biyahe mula Davao patungong Maynila.

Advertisement

Pinayuhan din ng PPA ang mga biyaherong nais dalhin ang kanilang mga pribadong sasakyan na samantalahin ang mga roll-on/roll-off (RORO) vessel na nagbibigay-daan upang maisakay ang kanilang mga sasakyan patungo sa mga napiling destinasyon.

Tiniyak naman ng pamunuan ng PPA na mahigpit na binabantayan ang seguridad, kaligtasan, at kaayusan sa mga passenger terminal upang matiyak ang komportable at maayos na paglalakbay ng publiko sa buong holiday break.

Advertisement