Inihayag ng Microsoft nitong Sabado na normal na muli ang operasyon ng kanilang mga serbisyo matapos ang malawakang aberyang nakaapekto sa mga gumagamit sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa kumpanya, matagumpay na nilang naresolba ang pangunahing sanhi ng insidente at naibalik ang access sa mga customer at rehiyong nakaranas ng pagkaantala.
Kabilang sa mga naapektuhang produkto ang Outlook, Microsoft Teams at Copilot AI assistant. Sinisi sa hindi pangkaraniwang pagtaas ng demand sa kanilang IT infrastructure ang naging problema.
Tinatayang 74 na bansa, kabilang ang Pilipinas, ang nakaranas ng epekto ng naturang outage na nagdulot ng pagkaantala sa trabaho at operasyon ng mga nasa IT, BPO at corporate sectors.
Kasabay nito, nagbigay-babala ang Microsoft hinggil sa isang aktibong phishing campaign na ginagamit ang insidente upang makapanloko. Nagpapadala umano ang mga scammer ng pekeng email na nagpapanggap na opisyal na abiso mula sa kumpanya.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga user na maging mapagmatyag sa mga kahina-hinalang mensahe at iwasang magbukas ng mga hindi beripikadong link upang hindi mabiktima ng online scams.








