Nanguna sa buong bansa ang bayan ng Jose Panganiban matapos makapagtala ng 100 porsiyentong compliance rate sa implementasyon ng Unified Persons with Disability Information System (UPWDIS), habang nakapasok naman sa Top 10 ang bayan ng Basud matapos makuha ang ikawalong puwesto sa nationwide ranking.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Rex A. Bernardo, Ed.D., Provincial Department Head ng PDAO-Camarines Norte, sinabi nito na batay sa datos ng National Council on Disability Affairs (NCDA) noong Nobyembre 4, 2026, nakapaglipat ang Jose Panganiban ng 1,730 rekord ng mga Persons with Disabilities (PWDs) sa bagong sistema, na katumbas ng 100 porsiyentong compliance rate. Samantala, nakapagtala naman ang Basud ng 68 porsiyento.

Ayon kay Bernardo, malaking bahagi ng resulta ang maagap na paghahanda at pagsasanay na isinagawa ng lalawigan, na nakatulong upang agad na masimulan ng mga lokal na pamahalaan ang pag-encode at paglilipat ng mga rekord ng mga PWD.

Mula sa ikasiyam na puwesto noong Hunyo at Hulyo, umangat sa unang puwesto ang Jose Panganiban pagdating ng Nobyembre.

Advertisement

Gayunman, nilinaw ni Bernardo na hindi nangangahulugang wala nang iba pang PWD na maaaring mairehistro sa nasabing mga bayan, dahil patuloy na nagbabago ang bilang ng mga taong may kapansanan.

Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng mga barangay at PWD organizations sa pagtukoy at pag-abot sa mga nangangailangan, gayundin ang maingat na beripikasyon sa mga aplikante upang matiyak na ang mga benepisyo at pribilehiyo mula sa pamahalaan ay mapupunta sa mga tunay na kwalipikadong PWD.

Advertisement