Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng pamamaril sa tatlong magkakapamilya na naganap kahapon ng hapon sa isang liblib na lugar sa bayan ng Sipocot.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Pmaj Antonio R. Per, Jr., Chief of Police, Sipocot MPS, sinabi nito na unang natanggap ng kanilang tanggapan ang ulat hinggil sa isang insidente ng aksidente o self-accident sa naturang lugar. Gayunman, nang makarating ang mga awtoridad, natukoy na sangkot ang tatlong biktima sa isang pamamaril.
Tinatayang 18 kilometro ang layo ng pinangyarihan ng insidente mula sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP) sa Sipocot. Ayon sa opisyal, walang mga residenteng nakatira malapit sa lugar kaya nahihirapan ang mga imbestigador na makakuha ng impormasyon at makahanap ng mga posibleng saksi.
Patuloy na kinakausap ng pulisya ang mga kamag-anak, kakilala, kapitbahay at mga may-ari ng lupain sa paligid upang makakalap ng impormasyon na makatutulong sa pagkilala sa mga nasa likod ng krimen.
Ayon pa kay Per, batay sa paunang impormasyon mula sa mga kakilala ng mga biktima, wala umanong nalalamang alitan o hidwaan ang mga ito sa ibang tao bago naganap ang pamamaril.
Gayunman, hindi pa inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na may personal na motibo sa likod ng insidente.
Sa paunang pagtatasa ng pulisya, posibleng planado ang pamamaril dahil pinili umano ng mga salarin ang isang liblib na lugar na malayo sa mga kabahayan at hindi karaniwang dinaraanan ng mga tao.
Patuloy rin ang pangangalap ng mga karagdagang ebidensiya at impormasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang tunay na motibo sa krimen.
Nanawagan naman ito sa mga residente, partikular sa mga nakatira o may kaalaman sa paligid ng pinangyarihan ng insidente, na makipag-ugnayan sa Sipocot Municipal Police Station o sa kanilang mga opisyal ng barangay kung mayroon silang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon.
Tiniyak ng pulisya na patuloy nilang tututukan ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang tatlong biktima














