Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang mahigit 100 gasolinahan matapos mabigong ipatupad ang itinakdang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad, nakapagsagawa sila ng inspeksyon sa kabuuang 213 gasolinahan mula Nobyembre 10 hanggang 13.
Sa isinagawang pagsusuri, natuklasang 114 sa mga ito ang hindi nagpatupad ng nararapat na price rollback.
Binigyan ang mga naturang establisimyento ng 72 oras upang magpaliwanag. Gayunman, hindi umano katanggap-tanggap ang mga isinumiteng paliwanag ng ilan sa mga ito.
Ilan sa mga naging dahilan ng mga gasolinahan ay matagal na nilang nabili ang kanilang suplay ng langis bago pa ipatupad ang bawas-presyo.
Dahil dito, iniakyat na ng DOE sa Legal Department ang mga ulat mula sa isinagawang inspeksyon para sa kaukulang aksyon.
Sakaling mapatunayang lumabag sa umiiral na batas, maaaring maharap ang mga may-ari ng gasolinahan sa pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang isang taon at multang P50,000 hanggang P300,000.
Maaari ring magpataw ang DOE ng karagdagang administratibong parusa, kabilang ang monetary penalties o suspensiyon ng lisensya ng mga sangkot na establisimyento.








