Inanunsyo ni Mongolian President Ukhnaa Khurelsukh ang kaniyang pagbibitiw sa puwesto nitong Martes, Nobyembre 17, kasunod ng mga alegasyon ng korapsyon at banta ng impeachment laban sa kaniya.
Nag-ugat ang usapin sa pahayag ng oposisyong Democratic Party nitong Lunes, kung saan iniuugnay si Khurelsukh sa umano’y graft at hinimok siyang magbitiw bilang pangulo o harapin ang impeachment proceedings sa Parlamento.
Mariing itinanggi ni Khurelsukh ang mga paratang at iginiit na wala itong sapat na batayan. Gayunman, nagpasya siyang bumaba sa puwesto upang mapatunayan ang kaniyang panig at malinis ang kaniyang pangalan.
Sa mga nakalipas na buwan, nakaranas ang Mongolia ng sunod-sunod na kaguluhang pampulitika, kasabay ng tumitinding tensyon sa loob ng naghaharing Mongolian People’s Party (MPP).
Nagkaroon din ng mga demonstrasyon at protesta sa kabisera ng Ulaanbaatar, kung saan ipinahayag ng mga kabataan ang kanilang pagkadismaya sa mayayamang elitista at sa umano’y laganap na kawalan ng katarungan sa bansa.
Samantala, inaasahang hahalili sa puwesto si Parliament Speaker Sandag Byambatsogt ng MPP sa loob ng apat na buwan habang hinihintay ang pagsasagawa ng presidential elections.








