Pinuri ni Philippine National Police (PNP) chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police commander at personnel dahil sa maayos at matagumpay na pagpapatupad ng mga seguridad sa 49th ASEAN Summit at mga kaugnay nitong pagpupulong.

Ayon kay Nartatez, naisakatuparan ng PNP ang mga ipinangakong hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga dayuhang delegado at seguridad sa mga venue ng summit.

Mahigit 23,000 pulis ang itinalaga para sa seguridad, habang mahigit 630 pagpupulong ang naisagawa nang walang anumang aberya.

Advertisement

Gayunman, mahigit 200 raliyista ang inaresto matapos umanong tangkaing makapasok sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City. Ayon sa PNP, napigilan ng mga awtoridad ang paglapit ng mga demonstrador sa venue matapos harangin at buwagin ang kanilang grupo.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Nartatez sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na nakipagtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng summit.

Kasabay nito, hinikayat niya ang mga pulis na ipagpatuloy ang kanilang dedikasyon, disiplina, at propesyonalismo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa paglilingkod at pagprotekta sa mga komunidad.

Advertisement