Makatitipid ang mga biyahero sa pamasahe sa eroplano hanggang Nobyembre 30 matapos ibaba ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge sa Level 16 mula sa dating Level 17.
Sa ilalim ng bagong antas, maaaring maningil ang mga airline ng fuel surcharge na nagkakahalaga ng ₱525 hanggang ₱1,535 para sa domestic flights, habang nasa ₱733.76 hanggang ₱12,891.29 naman para sa international flights, depende sa distansya ng biyahe.
Mas mababa ito kumpara sa Level 17 rates na ipinatupad noong nakaraang buwan, kung saan umabot sa ₱559 hanggang ₱1,635 ang surcharge para sa domestic flights at ₱1,846.10 hanggang ₱13,726.58 naman para sa international flights.
Inaasahang makatutulong ang pagbaba ng fuel surcharge upang mabawasan ang gastusin ng mga pasahero at maging mas magaan ang kanilang biyahe bago matapos ang buwan.








