Pormal nang ipinadala ng Senate Committee on Ethics and Privileges kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang reklamong inihain laban sa kaniya kaugnay ng matagal niyang pagliban sa mga opisyal na tungkulin sa Senado, at binigyan siya ng 15 araw mula sa pagkakatanggap ng abiso upang magsumite ng nakasulat na tugon.
Ipinaalam ni committee chair Senador Vicente “Tito” Sotto III kay Dela Rosa na pumasa na sa porma at sustansya ang reklamo ng civil society group na Wag Kang KuCorrupt matapos itong magsumite ng mga supplemental affidavit, at kinumpirmang naipadala na ang pormal na abiso sa tanggapan ng senador.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain noong Pebrero 25, 2026 ng nasabing grupo na pinamumunuan ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno, kung saan iginiit nilang ang patuloy na pagliban ng mambabatas habang tumatanggap ng sahod mula sa pondo ng bayan ay malinaw na pagpapabaya sa tungkulin at pag-abuso sa pribilehiyo.
Kaugnay nito, hiniling ng grupo sa Senado na patawan ng kaukulang parusa si Dela Rosa at suspindihin ang kaniyang buwanang sahod alinsunod sa prinsipyong “no work, no pay.”
Matatandaang nagsimulang hindi dumalo nang regular sa mga sesyon ng Senado si Dela Rosa noong Nobyembre 2025 kasunod ng mga ulat na naglabas umano ng arrest warrant laban sa kaniya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte, kung saan nagsilbi siyang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Dahil sa patuloy niyang pagliban, kung saan nakapagtala siya ng 31 pagliban sa loob ng 58 araw ng sesyon sa unang regular session ng 20th Congress, inalisan na rin siya ng halos lahat ng kaniyang posisyon sa mga komite ng Senado noong Pebrero 2026, at saglit lamang siyang nagpakita sa plenaryo noong Mayo 2026 upang bumoto sa pagpapalit ng liderato bago muling umiwas sa pagpapakita sa publiko.














