Tiniyak ng grupo ng mga nagtitinda at producer ng karne ng baboy na sapat ang suplay nito sa bansa ngayong holiday season.

Ayon kay Eric Harina, pangulo ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc., inaasahang aabot sa 2.3 milyong metric tons ang kabuuang suplay ng karne ng baboy sa bansa ngayong taon.

Kabilang sa nasabing bilang ang pinagsamang lokal na produksyon at mga inaangkat na karne ng baboy.

Advertisement

Paliwanag ni Harina, nasa 1.3 milyong metric tons ang lokal na produksyon ng baboy noong nakaraang taon, katumbas ng humigit-kumulang 1.3 bilyong kilo.

Samantala, mahigit isang milyong metric tons naman ang inaasahang maidaragdag mula sa imports ngayong taon.

Dahil dito, tinatayang magkakaroon ng surplus sa suplay ng karne ng baboy na aabot sa 1.7 milyong metric tons, na inaasahang makasasapat sa pangangailangan ng bansa nang hanggang apat na buwan.

Dahil dito, kumpiyansa ang grupo na hindi magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng karne ng baboy sa gitna ng pagtaas ng demand tuwing holiday season.

Advertisement