Kinondena ng EcoWaste Coalition ang umano’y pagtatakip sa mga basurang naipon sa ilang lugar na dinaanan ng mga delegado sa katatapos na ASEAN Summit, sa halip na tugunan ang problema sa pamamagitan ng maayos na pamamahala ng basura.

Sa panayaman ng Bombo Radyo Naga kay Ochie Tolentino | Zero Waste Campaigner, EcoWaste Coalition, sinabi nitong hindi katanggap-tanggap ang pagtatago sa mga suliranin sa kapaligiran at maging sa kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan upang mapaganda lamang ang imahe ng bansa sa harap ng mga dayuhang bisita.

Binigyang-diin ni Tolentino na sa halip na pagtakpan ang mga problema, dapat itong harapin ng pamahalaan sa pamamagitan ng konkretong solusyon. Kinuwestiyon din niya ang pangangasiwa sa mga basurang naiwan sa Liwasang Bonifacio, partikular ang umano’y pagsasama-sama ng mga ito sa halip na wastong paghihiwalay.

Iginiit niyang dapat mahigpit na ipatupad ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, na nag-aatas ng paghihiwalay ng basura sa apat na kategorya: biodegradable, recyclable, residual at special waste.

Advertisement

Dagdag pa niya, mahalagang magkaroon ng sapat at malinaw na nakalabel na basurahan sa mga lugar na pinagdarausan ng malalaking pagtitipon, gayundin ng mga tauhang mangangasiwa sa wastong segregation, collection at disposal ng basura.

Ayon kay Tolentino, ang maling pamamahala ng basura ay hindi lamang nagdudulot ng polusyon sa hangin, tubig at lupa, kundi naglalagay din sa panganib sa kalusugan ng publiko. Isa rin umano sa mga dahilan ng patuloy na pagdami ng basurang napupunta sa mga daluyan ng tubig at baybaying lugar gaya ng Manila Bay ang mahinang pagpapatupad ng umiiral na batas.

Nanawagan ang EcoWaste Coalition sa pamahalaan na tiyaking hindi lamang tuwing may malalaking international event isinasagawa ang mga programa sa paglilinis. Sa halip, iginiit nitong dapat maging tuloy-tuloy ang wastong pamamahala ng basura at pangangalaga sa kapaligiran sa buong taon upang maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng publiko.

Advertisement