Nananatiling tahanan para sa Filipino-American singer at rapper na si Apl.de.Ap ang Pilipinas, partikular ang lugar kung saan siya lumaki sa Pampanga.

Ayon kay Apl.de.Ap, sa kabila ng pagkakaroon ng malalaking pagtatanghal at paglipat sa Estados Unidos, hindi nagbago ang kanyang pagpapahalaga sa Pilipinas, lalo na sa Sapang Bato, Pampanga, kung saan niya ginugol ang kanyang kabataan.

Ibinahagi rin niya na ipinaayos niya ang dating bahay ng kanyang lola at doon na sila kasalukuyang naninirahan ng kanyang ina.

Dagdag pa ng singer, nais niyang makatulong sa pagpapaunlad ng Sapang Bato dahil dito niya natutunan ang kahalagahan ng kasipagan at pagsusumikap sa buhay.

Advertisement

Bilang patunay sa kanyang hangaring makatulong sa komunidad, ipinakita rin ang mga silid-aralan na naipatayo sa pamamagitan ng kanyang suporta.

Binigyang-diin din ni Apl.de.Ap na ang kanyang kinalakhang kapaligiran at mga karanasan noong kabataan ang humubog sa kanyang kagustuhang tumulong sa kapwa.

Aniya, nais niyang makapagbahagi ng tulong sa mas maraming tao bilang pagbabalik ng kabutihang minsan ding ipinagkaloob sa kanya ng iba.

Advertisement