Naniniwala si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na hindi lamang sa sektor ng depensa makikinabang ang Pilipinas sa tulong-militar na ipinagkakaloob ng Estados Unidos, kundi maging sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Teodoro, mahalagang pundasyon ng isang matatag na ekonomiya ang pagkakaroon ng malakas at may kakayahang sandatahang lakas at sektor ng depensa.

Ito ang naging tugon ng kalihim sa mga pananaw na mas nararapat umanong ituon ang tulong ng US sa pagpapasigla ng ekonomiya sa halip na sa pagpapalakas ng kakayahang militar ng bansa.

Advertisement

Ipinaliwanag ni Teodoro na layunin ng Pilipinas at ng mga katuwang nitong bansa na palakasin muna ang pambansang seguridad upang mapataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan. Aniya, mas magiging handa ang mga ito na magpasok ng malalaking puhunan kung matitiyak nilang ligtas at protektado ang kanilang mga negosyo at investment.

Binigyang-diin din ng kalihim na mahalagang bahagi ng katatagan ng ekonomiya ang pagkakaroon ng matibay na pambansang depensa.

Nilinaw naman niya na ang tulong-militar ng US ay hindi lamang sa anyong pinansyal na cash ibibigay, kundi sa pamamagitan ng mga kagamitan, pasilidad, at makabagong teknolohiya para sa depensa.

Kabilang dito ang Foreign Military Financing (FMF) loan package na nagkakahalaga ng mahigit $2 bilyon, gayundin ang karagdagang $400 milyon na military financing assistance.

Inaasahang makatutulong ang mga naturang programa sa pagpapalakas at modernisasyon ng kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), alinsunod sa umiiral nitong modernization program.

Advertisement