Mas lalong pinatibay ng Far Eastern University (FEU) ang kampanya nito para sa Final Four matapos tambakan ang National University (NU), 85-63, sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na ginanap sa Araneta Coliseum kahapon.

Dahil sa panalo, umangat sa 8-5 ang kartada ng Tamaraws at nanatili sa ikatlong puwesto ng team standings, dahilan upang makasiguro sila ng playoff para sa huling puwesto sa Final Four.

Pinangunahan ni Jorick Bautista ang ratsada ng FEU matapos magtala ng 18 puntos, habang nag-ambag naman si Luke Felipe ng 14 puntos upang makumpleto ang mahalagang panalo.

Agad na ipinakita ng Tamaraws ang kanilang dominasyon sa unang dalawang quarters matapos makapagtayo ng 15-puntos na kalamangan, 48-33, pagsapit ng halftime.

Advertisement

Hindi rin nagpatinag ang bataan ni head coach Sean Chambers sa ikatlong yugto, kung saan lalo pa nilang pinalobo ang kalamangan sa 28 puntos, 72-44.

Dahil sa malaking agwat sa iskor, hindi na nakahanap ng paraan ang Bulldogs upang makabalik sa laban, habang tuluyang inilapit ng FEU ang sarili sa inaasam na Final Four appearance.

Advertisement