Bumuo ang pulisya ng Special Investigation Team (SIT) na tututok sa masusing imbestigasyon sa naganap na insidente ng pamamaril upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, gayundin ang pinagmulan at direksyon ng mga putok ng baril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Regional Office 5 Regional Director PBGen. Randy Glenn Silvio, sinabi nito na layunin ng imbestigasyon na matukoy ang posibleng pinanggalingan ng putok ng baril batay sa mga nakuhang ebidensya at resulta ng pagsusuri sa crime scene.

Ayon kay Silvio, nagbigay na siya ng kaukulang direktiba sa mga imbestigador upang mapabilis ang pagtukoy sa responsable sa pamamaril at ang pagsasampa ng nararapat na kaso laban dito.

Dagdag pa niya, isa sa mga hamon sa imbestigasyon ang lokasyon ng crime scene na mataas at napapaligiran ng mga punongkahoy.

Advertisement

Nagsasagawa rin ang mga ito ng araw-araw na special investigation meeting upang talakayin ang mga nakatalagang gawain at makatanggap ng mga update mula sa bawat yunit. Gumagamit din sila ng Viber group upang mapabilis ang pagpapalitan ng impormasyon at pagbibigay ng karagdagang direktiba sa mga imbestigador.

Samantala, ipinadala na sa National Headquarters ang mga nakuhang ebidensya upang isailalim sa cross-matching.

Inaasahan na kung magkakaroon ng positibong resulta sa pagsusuri, makatutulong ito upang matukoy ang pinagmulan ng mga putok ng baril at ang posibleng pagkakakilanlan ng suspek na may kaugnayan sa insidente.

Tiniyak din ng opisyal na patuloy na gagabayan ng pamunuan ng pulisya ang imbestigasyon at inatasan ang Police Director na magbigay ng karagdagang impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng isang press conference.

Advertisement