Tiniyak ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi na makababalik sa Land Transportation Office (LTO) ang mga dating opisyal at tauhan na nasibak dahil sa pagkakasangkot umano sa korapsyon.
Ito ang naging pahayag ni Dizon kasunod ng kilos-protesta ng grupong MANIBELA sa labas ng LTO Central Office ngayong Lunes, Nobyembre 23.
Ipinahayag ng grupo ang pagtutol sa napapabalitang pagpapalit kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao dahil nangangamba silang posibleng makabalik sa ahensya ang mga dating tauhang inalis sa puwesto dahil sa katiwalian.
Mariing tinutulan ni Dizon ang naturang posibilidad at sinabing hindi niya papayagang maibalik sa serbisyo ang mga nasibak na opisyal.
Kasabay nito, inatasan din ng kalihim ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mailabas bago sumapit ang kalagitnaan ng Disyembre ang mga nakabinbing renewal ng provisional authority ng mga PUV na sumusunod sa mga requirements.














