Magpapatuloy ang transport strike ng grupong MANIBELA bilang pagtutol sa napapabalitang pagpapalit ng liderato sa Land Transportation Office (LTO), sa kabila ng isinagawang pagpupulong ng grupo kina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Iginiit ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena na hindi sila sang-ayon sa posibleng pagpapalit kay Lacanilao dahil nangangamba silang maibalik sa puwesto ang mga dating opisyal ng LTO na umano’y nasangkot sa mga alegasyon ng korapsyon.
Binigyang-diin ni Valbuena ang mga repormang ipinatupad ni Lacanilao sa ahensya, kabilang ang pagpapabilis ng proseso ng renewal ng rehistro ng mga sasakyan at lisensya, gayundin ang pagpapaigting ng disiplina sa mga tauhan ng LTO, lalo na sa mga regional office.
Pangamba ng grupo na posibleng mabalewala ang mga nasimulang reporma oras na magkaroon ng pagbabago sa liderato ng ahensya.
Ayon kay Valbuena, tinatayang nasa 600 hanggang 700 miyembro nila ang nakilahok sa transport strike na inilunsad ngayong araw sa National Capital Region (NCR).
Sa isinagawang pagpupulong, tiniyak naman ni Secretary Dizon na hindi niya papayagan ang umano’y planong pagbabalik sa LTO ng mga dating opisyal na dati na niyang inalis sa kanilang puwesto.
Gayunman, hiniling niya sa grupo na hintayin ang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng posibleng pagbabago sa liderato ng ahensya.
Iginalang din ni Dizon ang karapatan ng mga transport group na magsagawa ng protesta at sinabing nakahanda ang DOTr na magpatupad ng libreng sakay para sa mga komyuter na posibleng maapektuhan ng tigil-pasada.
Samantala, nagpasalamat naman si Assistant Secretary Markus Lacanilao sa mga transport group na nagpahayag ng suporta. Gayunman, sinabi ni Lacanilao na handa siyang sumunod sa anumang magiging direktiba sa kanya at patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin hangga’t siya ang nakatalaga sa naturang posisyon.
Nilinaw din niyang sa kasalukuyan ay siya pa rin ang namumuno sa LTO at nagpapatuloy ang kanyang trabaho sa ahensya.
Matatandaang lumutang ang mga ulat na posibleng palitan si Lacanilao ni Naga City Administrator Atty. Noreen Bernadette San Luis bilang bagong pinuno ng LTO.














