Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng libreng sakay sa mga commuter na maaapektuhan ng tigil-pasada sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PBGeneral Allen Rae Co, hepe ng PNP Public Information Office, tulad ng mga naunang transport strike ay maglalaan din sila ng libreng sakay upang matulungan ang mga pasaherong mahihirapang makahanap ng masasakyan.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa mga lokal na pamahalaan (LGU) upang matiyak ang pagkakaroon ng karagdagang libreng sakay para sa mga apektadong commuter.
Samantala, ayon sa pagtataya ng PNP, hindi pa gaanong ramdam ang epekto ng dalawang araw na tigil-pasada na sinimulan nitong Lunes, Nobyembre 23, dahil may ilang pampasaherong jeepney pa rin ang patuloy na bumibiyahe.
Matatandaang inilunsad ng grupong Manibela ang tigil-pasada bilang protesta sa naganap na balasahan sa Land Transportation Office (LTO) at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, sa kabila ng umano’y kakarampot na bawas-presyo.














