Sinindihan ng lungsod ng Dortmund sa Germany ang sinasabing pinakamataas na Christmas tree sa buong mundo nitong Lunes (Nobyembre 23).

Dinumog ito ng daan-daang katao upang masaksihan ang tradisyunal na pagbubukas ng taunang Christmas market.

Ayon sa pamahalaang lungsod, ang estrukturang ito na may taas na 45 metro ang pinakamataas na Christmas tree na gawa sa mga tunay na puno. Gayunman, hindi pa ito independiyenteng nabeberipika.

Advertisement

Binubuo ang dambuhalang Christmas tree ng 1,200 magkakahiwalay na punong red spruce na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 40 tonelada.

Ang anghel na nakapuwesto sa tuktok nito ay may taas na apat na metro, na mas mataas pa kaysa sa karaniwang Christmas tree. Samantala, 138,000 LED lights ang nagbibigay-liwanag sa dambuhalang dekorasyon.

Taun-taon nang itinatayo ang Christmas tree sa Dortmund mula pa noong 1996 bilang pangunahing atraksyon ng Christmas market ng lungsod, na kilala rin sa bansag na “Christmas City.”

Advertisement