Gumagawa ng mga parol at iba pang kapaki-pakinabang na produkto mula sa mga recycled materials ang Waste Diversion Facilities ng Naga City Solid Waste Management Office o SWMO bilang paghahanda sa nalalapit na Kapaskuhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vicky Alvarez, Head ng SWMO Recycling and Upcycling Products, sinabi nitong gumagamit sila ng mga pinaglumaan nang plastik na bote sa paggawa ng mga parol na may iba’t ibang disenyo at laki.

Sa ilalim ng donation scheme ang kanilang mga produkto, kung saan ginagamit ang mga nalilikom na donasyon para sa maintenance ng mga makina at pagbili ng karagdagang materyales at dekorasyon.

Ayon kay Alvarez, marami na ang nag-o-order ng kanilang mga produkto, partikular na ang mga parol. Bukod dito, gumagawa rin sila ng recycled bags, doormats, cupholders, rugs, hollow blocks, bricks, uling at mga basket na yari sa recycled plastic.

Advertisement

Nagpasalamat din ang tanggapan sa mga residente at volunteer groups na nagkakaloob ng mga plastik na bote at lumang tela na ginagamit sa kanilang mga proyekto.

Samantala, bukas ang SWMO sa pagsasagawa ng training at demonstration sa mga barangay na nais matuto ng recycling at upcycling na maaari ring maging karagdagang pagkakakitaan.

Hinikayat naman ni Alvarez ang publiko at mga establisimyento na makiisa sa programa sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga materyales na maaari pang mapakinabangan at pagsasagawa ng wastong paghihiwalay ng basura.

Advertisement