Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang Safe Spaces Act upang higit na maprotektahan ang publiko, partikular ang mga bata, laban sa sexual harassment at iba’t ibang uri ng pang-aabuso.

Nakakuha ang House Bill No. 11264 ng 200 boto pabor, dalawa ang tumutol at isa ang nag-abstain.

Advertisement

Sa ilalim ng panukala, maaaring patawan ng multang P300,000 hanggang P600,000 o pagkakakulong ang sinumang mapatunayang nagkasala ng grooming. Mas mabigat naman ang magiging parusa kapag menor de edad ang biktima.

Naglalaan din ang panukala ng multang P250,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong para sa mga mapatutunayang gumawa ng sexual harassment sa mga paaralan at lugar ng trabaho.

Bukod dito, maaari ring masuspinde o tuluyang matanggal sa serbisyo ang mga opisyal na mapatutunayang sangkot sa ganitong uri ng pang-aabuso.

Saklaw rin ng panukala ang responsibilidad ng mga internet platform na alisin ang mapanira at mapang-abusong online content sa loob ng 24 oras matapos makatanggap ng legal na kautusan.

Pinalawig din mula lima hanggang 10 taon ang prescriptive period o panahong maaaring magsampa ng ilang kaugnay na kaso.

Layunin ng panukalang batas na palakasin ang mga proteksiyong legal laban sa sexual harassment at pang-aabuso, kapwa sa personal na pakikisalamuha at sa online na kapaligiran.

Advertisement