Kinumpirma ni Senador Bam Aquino na walang inilaan na pondo para sa Pax Silica project sa panukalang 2027 budget ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), kabilang ang pondong nagmumula sa sariling kita ng ahensya.
Ito ang naging paglilinaw ni Aquino kay Senadora Imee Marcos sa isinagawang deliberasyon sa Senado kaugnay ng panukalang badyet ng BCDA.
Ayon kay Aquino, walang nakatalagang alokasyon para sa naturang proyekto sa General Appropriations Act (GAA) o maging sa internally generated funds ng ahensya.
Sa gitna ng talakayan, muling tiniyak ni Marcos kung totoong walang pondong inilaan ang BCDA para sa implementasyon ng Pax Silica project.
Ang Pax Silica ay isang inisyatiba na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa larangan ng artificial intelligence (AI), semiconductors at iba pang mahahalagang teknolohiya.
Layunin nitong suportahan ang pagpapaunlad ng mga industriyang may mahalagang papel sa pandaigdigang technology supply chain.











