Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang isang Chinese national na si Jiang Shi Guang matapos mapatunayang nagkasala sa kasong qualified trafficking in persons kaugnay ng sapilitang pagpapasali sa isang kapwa Chinese citizen sa online scamming operations sa Lucky South 99 compound sa Porac, Pampanga.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Pasig City, Branch 152, ang desisyon noong Nobyembre 11, 2026.

Bukod sa habambuhay na pagkakakulong, inatasan din ang akusado na magbayad ng multang P2 milyon, kasama ang P500,000 bilang moral damages at P100,000 bilang exemplary damages para sa biktima.

Advertisement

Nag-ugat ang kaso sa rescue operation na isinagawa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), katuwang ang PNP-CIDG at PNP-SAF, noong Hunyo 7, 2024.

Batay sa imbestigasyon, na-recruit ang biktima sa pamamagitan ng isang job advertisement sa Telegram na nangakong magbibigay ng mataas na sahod.

Gayunman, sa halip na magkaroon ng maayos na trabaho, ikinulong ang biktima at pinilit na lumahok sa mga online romance scam at cryptocurrency investment scam.

Nabatid din na nakaranas ito ng pisikal na pang-aabuso tuwing hindi nito natutupad ang mga ipinag-uutos sa kanya.

Ang hatol ay kaugnay ng pagsisikap ng mga awtoridad na papanagutin ang mga indibidwal na sangkot sa human trafficking at iba pang ilegal na operasyon sa loob ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub.

Advertisement