Inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. na nakababahala ang patuloy na pagbaba ng foreign currency reserves ng bansa.
Sa isinagawang budget deliberation, kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos kung hindi ba dapat ikabahala ang mabilis na pagbaba ng reserbang dolyar ng Pilipinas, mula sa dating $113 billion hanggang $98 billion na lamang na gross international reserves (GIR).
Gayunman, tiniyak ni Remolona na nananatili pa ring sapat ang kasalukuyang $98 billion reserves dahil katumbas ito ng anim na buwang halaga ng imports at tatlong beses na mas mataas kaysa sa short-term debt ng bansa.
Giit naman ni Senator Marcos, mas magiging ligtas ang posisyon ng bansa kung mapananatili sa $104 billion ang dollar reserves.
Ipinaliwanag ni Remolona na nagmumula sa exports o pagluluwas ng mga produkto ang pumapasok na dolyar sa bansa, habang ginagamit naman ang foreign currency reserves sa pagbili ng mga inaangkat na produkto o imports. Ito ang isa sa mga dahilan ng pagbaba ng reserbang dolyar.
Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala ang mga mambabatas sa pagtaas ng inflation rate na umabot sa 7.8 percent noong nakaraang buwan, mula sa 2.4 percent noong Pebrero.
Bukod dito, napuna rin ang mabagal na paglago ng ekonomiya, na dagdag na hamon sa pagpapanatili ng katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas.













