Ipinaliwanag ng Metropolitan Naga Water District (MNWD) Naga na kakulangan sa pumping stations, mga lumang transmission at distribution lines, at pagbaba ng produksiyon ng mga pinagkukunan ng tubig ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng mahinang daloy at hindi regular na suplay ng tubig sa ilang lugar sa Naga City

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Choppy Dy-Liacco Dela Cruz, Public Information Officer ng Metropolitan Naga Water District (MNWD), sinabi nitong matagal nang kinakaharap ng ahensiya ang problema sa suplay at distribusyon ng tubig dahil sa kakulangan ng mga pumping station na naipatayo sa mga nakaraang taon, kasabay ng patuloy na pagdami ng mga konsyumer.

Ayon sa opisyal, mula 2013 hanggang 2022 ay tatlong karagdagang pumping stations lamang ang naipatayo, gayung kinakailangang makapagtayo ng hindi bababa sa 12 pumping stations kada sampung taon upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa tubig.

Dahil dito, isinusulong ng kasalukuyang pamunuan ng MNWD ang pagtatayo ng karagdagang pumping stations. Mula 2023 hanggang 2026, target ng ahensiya na makapagtayo ng 12 bagong pasilidad, kung saan apat na ang operational habang ang iba ay sumasailalim pa sa pagkumpleto ng mga kinakailangang electromechanical components.

Advertisement

Inaasahan ding mapapagana ang tatlo pang pumping stations bago matapos ang Disyembre ngayong taon.

Bukod dito, kabilang sa mga pangunahing proyekto ng ahensiya ang pagpapalit at pagpapalawak ng mga lumang transmission lines upang mapabuti ang daloy ng tubig at matugunan ang problema sa mahinang water pressure sa mga apektadong lugar.

Samantala, humingi ng pang-unawa ang opisyal sa mga konsyumer at tiniyak na patuloy ang pagsisikap ng MNWD na makapagtayo ng mga kinakailangang pasilidad at mapahusay ang sistema ng distribusyon ng tubig, bagama’t mangangailangan pa ng panahon ang ganap na pagsasakatuparan ng mga proyekto.

Advertisement