Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang mahigit 30 may-ari ng junkshop sa lungsod na sumunod sa mga umiiral na regulasyon sa kanilang operasyon, partikular sa pagkuha ng kaukulang business permit at pagtatalaga ng tamang lugar para sa pagtipon at pag-iimbak ng mga recyclable materials.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engr. Joel Martin, hepe ng Solid Waste Management Office (SWMO) ng Naga City, sinabi nito na tinatayang 50 porsiyento lamang ng mga kasalukuyang nag-o-operate na junkshop sa lungsod ang may kaukulang lisensiya.

Ayon kay Martin, sa kabila ng ilang ulit nang pagbibigay ng paalala sa mga may-ari ng junkshop, mayroon pa rin umanong mga patuloy na hindi sumusunod sa mga itinakdang alituntunin ng lokal na pamahalaan.

Isa rin sa mga pangunahing problemang tinututukan ng lokal na pamahalaan ang pagtatambak ng mga recyclable materials sa mga pangunahing kalsada at commercial areas, partikular sa Balatas Road sa Upper Balatas.

Advertisement

Ayon kay Martin, bagama’t nagsisilbing buying stations ang ilang junkshop para sa mga recyclable materials, nagiging problema naman ang wastong pag-iimbak ng mga ito pagkatapos ng transaksiyon, lalo na kung malaki ang volume ng mga nakokolektang bakal at iba pang recyclable waste.

Samantala, muling pinaalalahanan ng SWMO ang lahat ng garbage collector na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha o pakikipagtransaksiyon sa mga recyclable materials na nakukuha nila habang nagsasagawa ng pangongolekta ng basura.

Binigyang-diin din nito na mahigpit na ipinagbabawal sa mga empleyado ng SWMO ang pagkuha o pag-angkin sa anumang recyclable materials na nakokolekta sa kanilang operasyon.

Patuloy naman ang panawagan ng SWMO sa lahat ng may-ari ng junkshop at mga tauhan ng waste collection na mahigpit na sundin ang mga umiiral na regulasyon upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at maayos na pamamahala ng solid waste sa lungsod.

Advertisement