Agad na kumilos ang mga awtoridad ng Spain upang maiwasan ang pagkalat ng langis sa karagatan matapos tumaob ang isang tanker na may kargang tinatayang 7,000 toneladang diesel sa Mediterranean Sea.
Ayon sa Balearic Islands emergency services, naglalayag ang Maltese-flagged chemical products tanker mula sa pantalan ng Algeciras sa katimugang Spain patungong Barcelona nang mangyari ang insidente noong madaling araw ng Huwebes.
Tinatayang 66,000 bariles ng mga refined petroleum product ang laman ng naturang barko.
Nasagip ang 17 tripulante nito, subalit isa sa kanila ang nasawi habang ginagamot sa ospital sa Ibiza. Anim pa ang nagtamo ng bahagyang pinsala dahil sa hypothermia o matinding pagbaba ng temperatura ng katawan.
Bilang tugon, nagpadala ang Spanish maritime rescue service na Salvamento Marítimo ng rescue vessel at eroplano upang suriin ang lawak ng posibleng pinsala sa kapaligiran.
Nilinaw naman ng pamahalaan ng Spain na hindi pa tuluyang lumulubog ang tanker, bagama’t nakataob na ito at nakalitaw pa sa ibabaw ng dagat ang keel o ilalim na bahagi ng barko.
Ayon kay Valencia Maritime Captain Elena Delgado, humupa rin bandang hapon ang maliit na oil slick na nabuo sa paligid ng tanker. Naikabit na rin ang barko sa pamamagitan ng kable sa isang sasakyang-pandagat ng maritime rescue service.
Inaasahang susuriin ng mga eksperto ang katawan at nakalubog na bahagi ng tanker ngayong Biyernes ng umaga upang matukoy kung ligtas nang isagawa ang planong paghila o salvage operation.
Bagama’t hindi pa batid ang sanhi ng insidente, tiniyak ni Spanish Prime Minister Pedro Sanchez na patuloy na tututukan ng pamahalaan ang imbestigasyon.
Samantala, ikinababahala ang posibleng epekto ng insidente sa marine ecosystem ng Mediterranean Sea. Maaaring maapektuhan ng anumang pagtagas ng langis ang turismo, industriya ng pangingisda at mga seagrass meadow na mahalaga sa pagsipsip ng carbon dioxide at paglaban sa climate change.
Bahagi rin ng mga protektadong katubigan sa ilalim ng Natura 2000 network ng European Union ang lugar na pinangyarihan ng insidente. Nagsisilbi itong tirahan ng Balearic shearwater, isang critically endangered na uri ng seabird.
Dahil dito, mahalaga ang mabilis na pagkontrol sa posibleng oil spill upang maiwasan ang mas malawak na pinsala sa yamang-dagat at mga species na naninirahan sa lugar.














