Itinatampok sa pagdiriwang ng Red Wednesday ang panawagan para sa pananalangin, pagpapalawak ng kamalayan, pagpapakita ng pagkakaisa, at pagtatanggol sa kalayaan sa relihiyon sa gitna ng patuloy na pag-uusig sa mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Fr. Erwin Bismonte, Parish Priest ng Our Lady of the Assumption Parish, sinabi nito na nagsimula ang kampanya noong 2015 bilang tugon sa tumitinding pag-uusig sa mga Kristiyano sa Iraq, partikular noong kasagsagan ng karahasang isinagawa ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Bilang bahagi ng unang kampanya, pinalibutan ng pulang ilaw ang estatwa ng Christ the Redeemer sa Brazil bilang pagpapakita ng pakikiisa sa mga Kristiyanong biktima ng diskriminasyon at karahasan dahil sa kanilang pananampalataya.

Sumisimbolo ang kulay pula sa pagiging martir ayon sa tradisyon ng Simbahang Katolika. Ginagamit ito ng mga pari sa pagdiriwang ng kapistahan ng mga martir bilang tanda ng dugong kanilang inialay alang-alang sa kanilang pananampalataya.

Advertisement

May apat na pangunahing panawagan ang Red Wednesday: ang manalangin para sa mga Kristiyanong inuusig sa iba’t ibang panig ng mundo; palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kanilang kalagayan at mga pagdurusang dulot ng karahasan at diskriminasyon; ipakita ang pagkakaisa upang madama nilang hindi sila nag-iisa; at itaguyod ang kalayaan sa relihiyon kasabay ng paggalang sa iba’t ibang pananampalataya, kabilang ang mga relihiyosong minorya.

Samantala, noong 2020, isinulong ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pormal na pagkilala sa Red Wednesday bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa bansa.

Nagsisilbing paalala ang Red Wednesday sa mga Kristiyano na ipanalangin at suportahan ang kanilang mga kapatid sa pananampalataya na nakararanas ng pag-uusig, kasabay ng pagtataguyod ng paggalang, pagkakaunawaan, at mapayapang pamumuhay sa kabila ng pagkakaiba-iba ng relihiyon.

Advertisement