Nangangailangan ang Department of Health (DOH) ng budget na P1-bilyon pondo upang suportahan ang mga hakbang at operasyon nito laban sa epekto ng inaasahang Super El Niño sa bansa.
Dagdag pa ng DOH na ang halagang P1.165 bilyon ay sumasakop sa 46 priority commodity lines sa 18 regional planning areas mula Nobyembre 2026 hanggagn Abril 2027.
Gayunman, nilinaw ng DOH na sumasailalim pa sa technical validation, inventory reconciliation, at pag-apruba ang panukalang pondo bago ito tuluyang maipatupad.
Manggaling ang pondo sa kasalukuyang appropriations ng DOH at mga nakalaang health emergency funds, kabilang ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), gayundin sa iba pang posibleng mapagkukunan ng pondo.
Pinahintulutan na rin ng kagawaran ang mga Centers for Health Development (CHDs) na magsagawa ng realignment sa kanilang operational funds at humingi ng karagdagang pondo upang masuportahan ang mga sistema ng health surveillance habang umiiral ang Super El Niño.
Kasabay nito, pinalalakas ng DOH ang El Niño response plan, partikular sa paghahanda ng ligtas na inuming tubig at maayos na sanitation facilities upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na maaaring dulot ng matinding init at kakulangan sa tubig.
Mahigpit ding binabantayan ng kagawaran ang kahandaan ng mga pasilidad pangkalusugan, kabilang ang sapat na bilang at maayos na deployment ng mga health personnel na tutugon at magbibigay ng agarang pangangalaga sa mga pasyenteng makararanas ng mga sakit na may kaugnayan sa matinding init ng panahon.














