Natukoy na ng pamahalaan ng Pilipinas ang kinaroroonan ng mga Pilipinong umano’y na-recruit para magtrabaho sa Russia, kasunod ng kumalat na video kung saan humihingi sila ng tulong matapos umanong mabiktima ng illegal recruitment.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers o DMW na alamin ang lokasyon at kalagayan ng mga nasabing Pilipino.
Gayunman, hindi muna isiniwalat ng Malacañang ang kanilang eksaktong kinaroroonan at ang bansang kanilang kinaroroonan dahil sensitibo pa ang kasalukuyang operasyon para sa kanilang pagtulong.
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at National Bureau of Investigation upang maisagawa ang mga kinakailangang hakbang para matulungan ang mga Pilipino.
Sinabi rin ni Castro na nagsasagawa na ang pamahalaan ng mga operasyon laban sa illegal recruitment sa nakalipas na lima hanggang anim na buwan. Kabilang dito ang pagpigil sa pag-alis ng mga posibleng biktima sa bansa at pagsasagawa ng entrapment operations laban sa mga hinihinalang recruiter.
Sa ngayon, lima nang recruiter na nag-aalok umano ng mga trabahong may kaugnayan sa military sa ibang bansa ang nahaharap sa mga kasong isinampa sa Department of Justice.
Matatandaang kumalat sa social media ang video ng nasa 30 Pilipino na humihingi ng saklolo matapos umanong maloko sa alok na trabaho bilang construction workers at janitors sa ibang bansa.
Sa halip na sibilyang trabaho, umano’y isinailalim sila sa military training, na nagdulot ng pangamba na maaari silang ipadala sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan at mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at maibigay ang kinakailangang tulong sa mga apektadong Pilipino.












