Patuloy na minamantina ng Philippine National Police (PNP) ang drug-cleared status ng bayan ng Magarao, Camarines Sur, sa kabila ng mga naitatalang operasyon laban sa ilegal na droga sa ilang karatig-lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PCPT MARK N SPAÑA, ACOP of Magarao Municipal Police Station,, idineklara ang naturang bayan bilang drug-cleared municipality noong Marso 22, 2022. Gayunman, hindi nangangahulugan ang pagkakamit ng naturang status na tuluyan nang natapos ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.

Paliwanag ng opisyal, may mga positibong resulta pa rin ang ilang operasyon ng pulisya laban sa ilegal na droga, kabilang ang mga suspek na nagmula sa mga karatig-lugar gaya ng Bombon, Canaman, at Naga City.

Dahil dito, patuloy ang koordinasyon ng PNP sa 15 barangay ng Magarao, partikular sa mga Barangay Anti-Drug Abuse Council, upang masubaybayan ang mga indibidwal na dating sumuko at matukoy kung may muling nasasangkot sa ilegal na droga.

Advertisement

Dagdag pa ng opisyal, hindi nila isinasantabi ang mga impormasyong nagmumula sa komunidad. Sa sandaling makatanggap ng ulat tungkol sa posibleng aktibidad ng ilegal na droga, nagsasagawa muna sila ng validation bago maglunsad ng kaukulang operasyon kung mapatutunayang may batayan ang impormasyon.

Samantala, nanawagan ang PNP Magarao sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at iwasan ang paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga, habang hinihikayat ang mga pamilya na gabayan ang kanilang mga miyembro upang hindi masangkot sa naturang gawain.

Binigyang-diin ng pulisya na magpapatuloy ang kanilang monitoring at mga programa upang mapanatili ang drug-cleared status ng bayan ng Magarao.

Advertisement