Labing-isang katao ang nasawi matapos bumagsak ang isang itinatayong anim na palapag na gusali sa Karachi, Pakistan noong Miyerkules, Nobyembre 25, habang anim pa ang patuloy na pinaghahanap sa ilalim ng mga guho.
Ayon sa lokal na pulisya, naganap ang insidente sa Baloch Colony, kung saan 15 katao rin ang nasagip na nagtamo ng mga pinsala.
Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad upang mailigtas ang iba pang posibleng nakaligtas. Batay sa ulat ng lokal na rescue department, nasa 40 porsiyento na ng mga guho ang nalinis nitong Sabado.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na posibleng sanhi ng pagguho ang paglabag sa mga regulasyon sa konstruksyon. Pinahintulutan lamang umano ang gusali na magkaroon ng basement, ground floor at isang karagdagang palapag, ngunit umabot ito sa anim na palapag at may ulat pa ng planong penthouse.
Sinusuri rin ng mga imbestigador ang kalidad ng ginamit na materyales at kung sinunod ang aprubadong building plan.
Samantala, nagsasagawa na ng kaukulang aksyon ang mga awtoridad laban sa mga opisyal at indibidwal na posibleng may pananagutan sa insidente.








