Isinuko ni Atty. Nathaniel Cabrera ang kanyang karapatang maghain ng reply sa sagot ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng impeachment complaint, upang maiwasan umano ang pagkaantala ng proseso.
Sa kanyang pahayag na isinumite sa House Committee on Justice, sinabi ni Cabrera na wala nang saysay ang paghahain ng reply dahil hindi ito makakatulong at magdudulot lamang ng delay sa pag-usad ng kaso.
Hiniling din niya sa komite na itala ang kanyang desisyon at agad nang magpasya kung may sapat na batayan para ituloy ang impeachment laban sa bise presidente.
Nauna nang napag-alaman ng komite na sapat sa porma at nilalaman ang reklamo, kaya’t inaasahang magpapatuloy na ang mga pagdinig sa isyu.
Ayon sa panuntunan ng Kamara, may 10 araw si Duterte upang sagutin ang reklamo mula nang matanggap niya ang abiso noong Marso 5.
Samantala, iginiit ng kampo ng bise presidente na ibasura ang mga reklamo, dahil umano hindi ito bumubuo ng impeachable offense. Pinabulaanan din nila ang alegasyon na may umano’y “contract to kill,” at sinabing walang ebidensyang sumusuporta rito.
Ayon sa kanilang sagot, ang mga akusasyon ay batay lamang sa “pinalaking konklusyon” at hindi sapat upang patunayan ang paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, o iba pang mabibigat na krimen.
Binigyang-diin naman ni Cabrera na ang sagot ng bise presidente ay pawang pangkalahatang pagtanggi at legal na argumento lamang, at hindi direktang sinagot ang mahahalagang paratang.
Dagdag pa niya, mali umano ang interpretasyon ng kampo ni Duterte sa mga patakaran sa paghahain ng reklamo, dahil hinihingi nito ang detalyadong ebidensya sa maagang yugto pa lamang ng proseso.
Sa ngayon, nakatuon na ang House Committee on Justice sa pagtukoy kung may sapat na batayan upang umusad ang impeachment proceedings laban kay Duterte.














