Magbabalik sa Pilipinas si Filipina tennis star Alex Eala upang makasama ang kanyang mga tagahanga bago siya tumulak sa Estados Unidos para sa hardcourt season. Gaganapin ang kanyang homecoming event sa Hulyo 15 sa Glorietta Activity Center sa Makati City sa ilalim ng “Home Court: The Alex Eala Fan Meet Experience” na inorganisa ng Globe, kung saan siya ay nagsisilbing Gen G Ambassador.

Bukas sa publiko ang naturang fan meet, bagama’t hindi pa inilalabas ang kumpletong detalye tungkol sa pagpasok sa event. Inaasahang darating si Eala sa Pilipinas ngayong weekend matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Wimbledon.

Sa naturang pagtitipon, ibabahagi ni Eala ang kanyang mga naging karanasan sa Wimbledon at ang kanyang paghahanda para sa susunod na Grand Slam tournament, ang US Open, na gaganapin mula Agosto 30 hanggang Setyembre 13 sa New York.

Ayon sa mga organizer, naging inspirasyon si Eala sa maraming Pilipino dahil sa ipinakita niyang husay, determinasyon, at katatagan sa Wimbledon. Anila, nagsisilbi siyang huwaran sa kabataang Pilipino sa patuloy na pagsusumikap upang maabot ang kanilang mga pangarap.

Advertisement

Matapos ang kanyang homecoming, muling tututok si Eala sa paghahanda para sa US Open, kung saan inaasahan niyang maipagpapatuloy ang kanyang magandang performance sa international tennis at muling maipagmamalaki ang Pilipinas sa pandaigdigang entablado.

Advertisement