Muling nagpakitang-gilas si Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle matapos masungkit ang ikalawang sunod na stage win sa MPTC Tour of Luzon 2026, sa Stage Five na ginanap sa Tuguegarao City.
Nagtala ang 26-anyos na Russian cyclist ng oras na 2:47:25 sa isang masidhing mass sprint matapos ang 126.7-kilometrong yugto na nagsimula sa Santiago City.
Nauna nang nagwagi si Anisimov sa Stage Four na may layong 165.80 kilometro mula Palayan City hanggang Bayombong, dahilan upang mapanatili ang kanyang impresibong kampanya sa karera.
Kapwa nagtala ng parehong oras na 2:47:25 sina Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team at Lee Jung Hoon ng Seoul Cycling Team sa kabuuang 1,821.1-kilometrong 14-stage race na inihahandog ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.
Samantala, si Ean Cajucom ng Victoria Sports Pro Cycling ang unang back-to-back stage winner sa 2025 edition matapos dominahin ang Stages 3 at 4.
Sa kabuuang standings, patuloy na suot ni Nikita Shulchenko ang yellow jersey matapos magtala ng overall time na 13:46:45 sa Individual General Classification. Nasa ika-24 puwesto naman ang 2025 champion na si Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling, na may 3:30 minutong agwat.
Nangunguna pa rin ang Go for Gold sa Team General Classification na may kabuuang oras na 56:15:28.
Itutuloy ngayong umaga ang Stage Six na may layong 223.7 kilometro patungong Pagudpud.














