Iginiit ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced” o pinagdugtong-dugtong umano ang CCTV footage na inilabas kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13, 2026.
Sa isang ambush interview nitong Miyerkules, sinabi ni Aplasca na piling bahagi lamang umano ng video ang inilabas upang suportahan ang isang partikular na naratibo.
“We are preparing the complete videos. What they did was splice the videos, and they only selected the videos that will support their narrative. And I think it’s not correct,” ani Aplasca.
Binigyang-diin din niya na hindi umano totoo ang mga pahayag na walang naganap na pag-atake sa Senado.
“Yung sabi nila walang attack. Bigyan nyo kami ng konting panahon,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi rin ni Aplasca na inaasahan na niya ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay ng insidente.
Nauna nang inirekomenda ng Philippine National Police ang paghahain ng kaso laban kay Aplasca at dalawa pang security personnel ng Senado kaugnay ng nangyaring pamamaril.
Ayon sa PNP, maaaring maharap sa paglabag sa Rules of Engagement at sa mga probisyon ng Republic Act No. 11917 ang mga sangkot.
Kinumpirma rin ni Aplasca na nakatanggap na sila ng subpoena mula sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
Gayunman, pinabulaanan niya ang alegasyong may itinago silang ebidensya tulad ng CCTV footage at mga baril.
Sinabi rin ni Aplasca na nagsagawa ng security coordination meeting ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms at GSIS Security Office noong Mayo 12 bilang paghahanda umano sa nalalapit na impeachment proceedings.














