Bahagyang humina ang Super Typhoon Inday habang patuloy itong kumikilos pakanluran sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa inilabas na tropical cyclone bulletin ng PAGASA alas-11:00 ng gabi, isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Luzon at Bicol Region dahil sa inaasahang malalakas na hangin na may bilis na 39 hanggang 61 kilometro kada oras.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Batanes; Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands; Isabela; hilagang-silangang bahagi ng Quirino, partikular sa Maddela; Apayao; hilagang bahagi ng Abra; Kalinga; silangang bahagi ng Mountain Province; silangang bahagi ng Ifugao; Ilocos Norte; hilagang bahagi ng Aurora; at hilaga at gitnang bahagi ng Catanduanes.

Ayon sa PAGASA, posible pang itaas sa Signal No. 2 o Signal No. 3 ang babala sa ilang lugar habang patuloy na lumalapit ang bagyo.

Advertisement

Bandang alas-10:00 ng gabi, namataan ang sentro ng Super Typhoon Inday sa layong mahigit 1,000 kilometro silangan ng Hilagang Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Inaasahan ng state weather bureau na mananatiling isang malakas na super typhoon ang Inday hanggang Huwebes bago ito unti-unting humina habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Advertisement